Binuksan ng postmodernism ang pinto palabas sa mga malalaking kwento na sa matagal na panahon ay lumipig sa kaisipan. Ang paglago ng iba’t ibang kaisipan sa postmodernism ay nag bigay ng samu’t saring mga bagong pamamaraan ng pagtanaw sa mga bagay bagay. Pinaigting nito at pinahalagahan ang pagkakaiba-iba sa sangkatauhan. Dahil dito ay mas napagtuunan ng pansin at nabigyang kapangyarihan ang mga dating hindi pinapansin tulad ng mga tila ordianryong pangyayari sa araw-araw na buhay ng mga tao.
Ang isang kaisipan na nais kong pagtuunan ng pansin ay ang feminism at ang pag bigay nito ng bagong kahulugan sa gender. Tama lamang ang pag labas ng ilang kababaihan noon upang simulan ang laban para sa mas makahulugang pamumuhay. Ang kanilang naging laban tungo sa pagkakapantay sa kalalakihan ay isang malaking hakabang laban sa pagkapatriarkal ng lipunan.
Pagkakapantay ng karapatan at katayuan ng babae at lalaki ang naging pangunahing sigaw ng unang tema ng feminism. Bagamat maganda ang adhikaing ito, sadyang marami at komplikado ang pagkakaiba ng babae at lalaki. Kung sa biological na pagkakaiba lang ay walang paraan para maging magkatumbas ang babae at lalaki. Gayunpaman, ang usapang pang karapatan ang pinaka importante. Ang pagboto, pagpasok sa mataas na paaralan, pagtatrabaho ay ilan sa malaya nang nagagawa ng kababaihan.
Kadalasang inilalarawan ang pagkakapantay ng kasarian sa pagsasabing kaya ng babae ang anumang ginagawa ng lalaki. Maaring totoo ngunit hindi ko ito nakikitang praktikal. Oo, kaya ng babae na maging konstraksyon worker, o kaya ay minero, tubero, tsuper, o konduktora ngunit hindi pa rin ito tugma sa kanilang kapakanan. Hindi sa nagiging patriarkal ang aking pagiisip kayak o sinasabi ito. Meron lamang talagang mga espesyal na pangangailangang ntatangi sa bawat kasarian at ang ibig kong sabihin ditto ay hindi lamang ang tradisyonal na kasariang lalaki at babae.
Sa pelikulang North Country, kung saan isinadula ang tunay na kwento ng ilang babae na nagtrabaho sa minahan, pinakita na hindi sapat para masabing pantay ang paggawa ng babae sa trabaho na masasabing panlalaki. Ito marahil ay isa sa unang pagtangka na kumawala sa tradisyonal na gawain ng babae dala na rin ng panahon at pangangailangan. Ang mga pangaapi, pangungutya, at pambabastos sa mga babae ng nakararaming kalalakihan sa minahan ay sadyang dala dala ng kultura. Inilaban ng bida sa nasabing pelikula ang kaso ng kababaihan sa korte at sila ay nagwagi matapos ang mahaba at madugong mga pagdinig. Mula noon ay nabigyang liwanag ang karapatan ng babae.
Sa kabilang banda, ang pagtanaw ng sobra sobra naman ng ilang feminista ay naging sanhi rin ng ilang komplikasyon. Sa sobrang pagpapaimportante ng ilang feminista kasi ay tila gusto naman nilang maging mas dominante sa kalalakihan. Ang pagbigay lamang ng ilang espesyal na pribilehiyo sa kababaihan ay maaring makita bilang pagpapalawig ng kaibahan kung saan maaring makaramdam ng pagka agrabyado ng ilang kalalakihan. Halimbawa na lang ay ang pagbigay ng espesyal na coach sa tren para lamang sa babae. Nauunawaan ko ang sitwasyon at ang iba iba pang kadahilanan ngunit hindi ito kailanman bahagi ng postmodern. Paano naman ang ilang kalalakihan na nakakaranas din ng mga hindi kanaisnais na bagay, amoy, lasa, paningin, at pakiramdam?
Bilang pang huli, ang pagkakapantaypantay ay ang pagbibigay ng karampatang ayon sa natural na pangangailangan ng bawat kasarian. Sa huli, tayong lahat ay pare parehong mga tao na may malawak na pagkakaibaiba. Ang pagkakaibang ito ay hindi dapat sirain bagkus ay dapat palaguin at ituring na kayamanan ng ating iisang lahi dahil may espesyal sa bawat detalye hangang sa pinaka butil ng kasarinlan ng indibidwal.