Pages

Wednesday, March 30, 2011

Critical Analysis: Politics of Sitting in a Jeep

Riding the jeepney has been part of the everyday life for many of us Filipinos. But riding a jeep is not as simple as it may seem. We have developed our own personal strategies, techniques, and other ways of making our ride as comfortable and hassle free for ourselves. There are just so many things we do not like about a jeepney ride. Probably the one thing we do not want the most is to get mugged- for which a jeepney ride is notoriously known. But despite that, many people still ride the jeep to go places. Taking the jeepney is like an adventure ride and getting to your destination with your body intact and with all your things still with you merits a good sigh of relief.

One interesting thing to note is how people place themselves inside the jeep. When I ride the jeep, I find it most convenient to sit either in front beside the driver or at the very rear. I have several reasons for that and I found out that it’s the same way others think. I sit at the rear, first, because I want to be able to get out easily and, second, because I don’t want to be used and constantly called by other passengers to pass their fares to the driver. Even though passing the other passenger’s money does not really require much effort it still more preferable for me not to do it. It is not that I’m lazy or indifferent with the masses, it is simply something inherent in me and I guess in most of the other people as well.

While that scenario is only most likely when the jeep is empty or near empty, a full jeep will give one a different preference. If one is running out of time then that person will most likely hop on the jeep and sit at what seem to be an impossible space to fit a person. The good thing is that the driver and assistants know very well how many persons their jeeps could sit. It is just amazing to see how jeeps get to be packed with so many people. For some reasons even if all people inside a jam-packed jeep are in opposition to the operator putting another person in, there opens a space for that person to sit.

There is politics in every choice we make when riding a jeep. On where to place yourself or whether or not to open up a space for another passenger is a conscious decision we make. Positioning oneself in a jeep is a matter of strategy for the lazy ones or security for the insecure. Some people simply doesn’t mind all that and just go with flow enjoying the experience of the ride.

The jeep is a place that embodies the many aspects of what we are as Filipinos. The attitude of the people in relation to their fellow passengers shows that flexibility and generosity even if it means compromising ones own comfort. It is like a community that even everybody is a stranger they are trusted to pass their money to the driver. While one would grab an opportunity given to stay detached from the rest and sit at the rear, that person will have no choice but to oblige with how the whole thing functions with accepting openly the favour of passing the fare to the driver. Well, even if the real situation is not seen as good as that, we can always look into it in a good light. It’s our culture anyways.

Critical Essay sa Cultural Product: Ang Mukha ni Kristo sa Pilipinong Pagtingin

Panimula

Unang una ay nais kong isa-konteksto natin ang relihiyon bilang isang culture industry ayon sa daluman nina Hokheimer at Adorno. Ang relihiyon, ayon sa isinulat ni Alison Zelinger ng University of Colorado sa Boulder, ay may mga mananampalataya na tumatayo bilang consumers ng mga produktong pinangailangan ng mga lider nito. Halimbawa ay mga Biblia, rosario, imahen, Krismas tree, at iba pa. Ani Zalinger ang indibidwalidad ay nawawala halimbawa sa kulturang Judio dahil sa paglikha nito ng standardisadong larawan ng mga miyembro nito. Kaya naman ang mga mananampalataya ay nagiging mga tagasunod sa mainstream.

Gaya ng sa ibang culture industry, ito ay may monopoly ng kapangyarihan sa ilang mga bagay bagay. Dito ko ngayon ipapasok na ang imahen ni Hesus na nakatampok sa mga simbahan at mga tahanan ng maraming katoliko ay isang cultural product. Alam naman nating lahat na dala ng mga mananakop na Español ang Katolisismo sa bansa. Napansin ko na karamihan sa mga larawan ni Hesus na nakatampok sa mga altar ay may katangiang Puti- gaya ng mga Kastila. Hindi kaya ginamit nila ang larawang ito ng Diyos upang mas mapadali ang pananakop sa atin noon? Nagpakilala sila sa atin ng isang Diyos na kalarawan nila. At kung yun nga ang sitwasyon ay ibig sabihin magpa sa hanggang ngayon ay tila kolonisado pa rin tayo.

Ang Tunay na Mukha ni Hesus

Ang mga larawan ni Hesus, nakapako man sa krus o hindi, sa matagal nang panahon ay naging sagisag na rin ng Simbahang Romano Katoliko. Sa naging pagpapalaganap ng pananampalatayang ito ng Kanlurang Europa ay kumalat din ang kanilang imahe ni Hesus. Gayunpaman, mainam na alalahanin natin na nabuhay si Hesus sa panahong imposible ang pagkakataong makapag photo opt. Dahil diyan ay wala talagang larawan ni Hesus ang masasabi nating sumasapol sa itsura niya.

Ito ang nagbunsod sa akin upang magsaliksik sa kasaysayan ng imahen ni Hesus. Napagalaman ko na nagmula noong 235 AD sa Syria ang pinakamatandang imahe ni Hesus na naitala. Ang nakakabighani dito ay ang pagsasalarawan sa kanya bilang isang mariwasang pilosopo na nakabihis sa pampilosopo. Inilarawan si Hesus nang tulad sa mga makata ng kanilang sariling lipunang Greko-Romano ng walang pag inda sa katotohanan na ang nilalarawan nila ay isang judio. Sa paglipas naman nag panahon ay lumabas pa ang ibang larawan na nagtataglay lagi ng katangiang likas sa lipunang lumikha nito. Sa ilan ngang pagaaral ay ginawa rin ang imahe na kamuka ng mga diyos ng pagano. Ang larawan na balbas saradong Greko-Romano ang naging kumbensyonal na imahe ni Hesus. Kaya naman, masasabi na ito ay isang kathang pangkalinangan ng mga Europeo.

May isang dokumentaryo ang pinapanood sa amin sa isang klase sa teolohiya kamakailan at pinakita rito ang pag likha ng tunay na mukha ni Kristo. May ilang mga taong agham ang nagsamasama upang bumuo ng larawan ng isang tipikal na lalaking Judio mula sa Israel noong kapanahunan ni Hesus. Ang kinalabasan ay nasa larawan ika-3 larawan sa baba. Yan daw ang pinaka malapit na itsura ni Hesus- arabo, maitim, kulot. Malayo sa kumbensyonal na imahe ng mga Europeo.

Pagkatha ng Pilipinong Mukha para kay Hesus

Gayunpaman, ang mukha ni Hesus, sa teolohikal na pagtingin ay di ganon kaimportante dahil representasyon lang naman ito. Subalit ang representasyong ito ay mahalaga dahil naghahatid ito ng makapangyarihang ideolohiya bilang isang cultural product. Ang culturally constructed na larawan ni Hesus sa Europa ay paraan nila ng pag-angkin sa Diyos na ito at paggawa sa kanya bilang isa sa kanila. Sa pagdala at pagiwan nila ng larawang ito sa kanilang mga nasakop ay dinadala at iniiwan din nila ang kanilang sariling imahe na nakatampok sa altar. Kung culturally constructed lang din naman ang mukha ni Hesus ay maari din siguro tayong gumawa ng sariling bersyon ng mukha na ito.

Isang Pilipinong mukha ni Kristo. Ano sa tingin mo ang magiging dating sa mga mananampalataya ng gayong larawan? Isang araw habang nanonood ako ng isang dokumentaryo ay napa ahoy ako nang may hinapyawang kuha ng stained glass kung saan pinapakita ang pagpako sa krus ni Hesus. Nabighani ako sapagkat ang Kristo at mga kasama nito sa larawan ay hindi kumbensyonal na imahe ng mga Europeo. Pilipino ang Kristong ipinapako sa krus! (Tignan ang ika-4 na larawan sa baba) Nagimbal ang aking isip sapagkat noon lang ako nakakita ng gayong larawan. Hindi pa ako pamilyar sa CULPOLI noon kaya inisip ko na trip lang ng artista ang pag gawa noon. Pero ngayon nga ay nahanapan ko ito ng mas malalim na kahulugan.

Maaring naisip ng lumikha noon ang naiisip ko ngayon. Ang paglarawan kay Kristo bilang isang katulad natin ay naghahayag na ang diyos na ito ay isa sa atin- kalipi, kalahi, katutubo.

Ang Katolisismo- sabihin na rin nating Kristiyanismo- ay isang bagay na hindi katutubo sa atin. Ito ay kolonyal na bagay na ginamit sa pagsakop sa atin at matagumpay nga iyong nangyari. Ang relihiyong ito ay naitanim na nang sobrang lalim sa atin at hindi na mahuhugot pa. Sa kasalukuyang panahon nga ay pinagmamalaki pa natin ang katangian bilang kristiyanong bansa. Sa pagalis ng mga manakop ay iniwan nila ang simbahan na sa paglipas ng panahon ay nalocalize at naisakatutubo na rin sa ilang bagay dala, sa isang banda, ng Ikalawang Konsilyo Batikano. Gayunpaman ay nanatiling banyaga ang mukha ni Hesus sa maraming mga larawan.

Ang isang Pilipinong mukha ni Hesus ay maaring pagwalay na kinagisnang at nakasanayang larawan na ito. Nakikita ko ito bilang isang postkolonyal na tangka sa relihiyong dala ng mananakop. Gaya ng sabi ko kanina, nakabaon na ng malalim sa atin ang relihiyong ito kaya naman hindi na pwede gibain sa ngalan ng postkolonyalismo. At sa parehong kadahilanan ng malalim na ingkulturasyon dito ay malabo ang magtayo ng simbahang tiwalag sa utos ng Roma. Ang paggawang Pilipino kay Hesus ay dala ng pagnanais na kupkupin ang Kristiyanismo at likhain ito sa ating sariling panlasa o pananaw.

Sa usapin ng passive acceptance makikita na sa pagpilipinisa kay Kristo ay nagiging malikhain tayo at pinananaig pa rin ang sariling pananaw. Isa pa, maliban sa pagiging likhang sining ng iba’t ibang mukha ni Kristo, nagdadala ang mga imahe ng mensaheng mapagpalaya na bukal sa saligan ng relihiyong ito. Si Hesus ay isang persona ng pagliligtas at pagpapalaya, at yan ay isang dahilan kung bakit mahalaga sa aking paningin ang larawan niya na kinikilala ng tao. Sa marami kasing mga tao lalo na yung mga mababaw ang pagiisip, malabo at sobrang nipis ng puwang sa pagitan ng imahen at ng tunay na nirerepresenta nito. Kumbaga ay pawing Europeo ang tinitingala natin kay Hesus imbes na ang tunay na kahulugan nito.

Si Kristo ay hindi dapat maging mananakop sa atin. Ang bawat likhang sining relihiyoso man o hindi ay may kwentong dala-dala. Ang kumbensyonal na larawan ni Hesus ditto ngayon ay may dalang kwento na nagmula sa ‘kanila’ at hindi sa ‘atin’. Pagka ganyan ay hindi ganun kalalim ang dugtungan ng larawan sa tumitingin. Wala kasing konek; para bagang hindi ka ganoon nakaka-relate. Samantalang ang larawan na kamukha natin ay may kwentong mas malalim para sa isang Pilipino. Ang dugtungan nito sa audience o sa consumer ay di hamak na mas malapit. Sa ganitong paraan ay nakagawa tayo ng Pilipinong mukha ni Kristo at nabigyan natin sya ng mas malalim na kahulugan sa atin.

Ito ang mga kumbensyonal na itsura ni Hesus sa mga larawan

Ito naman ang sinasabi ng BBC ang tipikal na muka ng isang Judio sa Israel na pinaka maaring hawig ni Hesus
Ang mga larawan sa baba ay screenshots ng isang painting kung saan inilarawan si Hesus na mukhang Pilipino. Hindi ko alam kung sino ang nagpinta nito at kung saan ito nakalagay
Eto pa ang isang Kristo na may mukhang Pilipino sa isang simbahan sa Negros Occidental

(lahat ng pictures ay galing sa internet)


Monday, March 28, 2011

Critical Commentary 3: Pantayong Pananaw, Edukasyon, at Pagkatha ng Bansa


Ang Pantayong Pananaw (PP) ni Zeus Salazar (nasa larawan) bilang isang eskwelang pangkaisipan ay isang malaking tangkang pagkilos tungo sa pagkatha ng postkolonyal na bansa. Hindi ito simpleng pakulo lamang sa loob ng akademya, bagkus ay naglalayong umabot sa madla at bumuo ng kamalayan na ilalagay ang pantayo sa ibabaw ng pangkami at pansila. Ambisyoso mang maituturing, ito ay maaring maging susi sa ating pagwalay sa kamalayang tadtad ng mapangmaliit na kaisipang kolonyal. Totoo na hanggang ngayon ay marami ang hindi lubusang nakababatid sa pangangailangang nating bumuo ng sariling katutubong pananaw at kumalag sa tali ng kolonyal na pagiisip.

Isa sa gustong pangyarihin ng PP ay ang pagkakaroon ng iisang wika. Mahalaga ito sapagkat masasabi na ang wika ang pinakamatibay na nagbibigkis sa mga tao sa isang bansa o nasyon. Kaya naman isang malaking hamon sa isang bansa tulad natin ang bumuo ng isang nasyon dahil sa malawak na etno-linguistikong pagkakaibaiba. Gayunpaman ay alam naman natin na Filipino ang wikang pambansa at kahit paano’y naiintindihan ito ng halos buong populasyon. Kaya lang nananatiling andyan at buhay na buhay ang mga dialekto sa bawat rehiyon. Sa isang banda may pait pa rin sa ilan ang pag gawa sa Tagalog na wikang pambansa. Hindi naman yata makapapayag ang iba na hayaang mawala ang kanilang wika. Sa kabila ng lahat tumagal naman tayo bilang isang bansa dahil kasama pa rin naman sila sa ‘tayo’. Ang problema nga lang ay hindi yaong nasa loob kundi mas higit yung impluwensya ng labas.

Ngayon ko lang napagtanto, naunawaan, at napahalagahan ang ginagampanan ng aking pananaw sa pag buo ng bansa na sariling atin. Sa medyo malalim na pagninilay ay nakita ko na Amerikanisado ang aking pananaw. Mula sa paggamit ng wikang Ingles, sa panunuod ng pelikula at mga tele-seryeng Ingles, mga babasahin, hanggang sa mga balita galing sa Kanluran ay sobra sobra na akong naimpluwensyahan nang hindi ko tanto na ang aking pananaw ay tulad na ng sa kanila. Grabe. Ang malala pa ay hanggang sa Unibersidad ay tila kapos sa katutubong pananaw. Maliban sa CULPOLI ay sa KASPIL2 at dalawang Filipino minor courses ko lang narinig ang tungkol sa ganitong kaisipan.

Kung magpapatuloy ang matindi at malawakang inkulturasyon na nagaganap sa pang araw araw na buhay ng tao ay baka tuluyan nang maglaho ang anumang natitira sa ating katutubong kamalayan. Buti na lang may PP. Tingin ko, edukasyon at tanging ito lamang ang pinakamalakas na pwersang maari nating gamitin sa pagpapalaganap ng PP- ang pananaw na magdadala sa atin sa isang namumukod-tanging Bansa. Nakakalungkot na sa akin ngayon na isiping sa mas maraming paaralan ay mababa ang pagpapahalaga sa wikang sariling atin. Sa murang edad ay pinipilit na mag Inglesan por ke ito raw ay mas magaling, mas dekalidad, mas magdadala sa tagumpay. Kasama na rin nito ang pagpapakilala sa mga banyagang imbentor, artista, musikero, manunula, at iba pa upang tingalain at idolohin lalo na sa mga private school. Lumalaki ngayon ang mga bata na walang muwang sa kasarinlan ng kanyang isip.

Ang puwang sa pagitan ng elite na nasyon at Filipino na nasyon ay sinabing matutugunan ng edukasyon at sang ayon ako rito. Walang maliwanag na palagay ang edukasyon sa bansa hinggil sa usaping ito. Kadalasan ang mga private school ay may kanluraning pamamaraan at ito ay nagpapalawak sa puwang na namamagitan sa ating dalawang ‘nasyon’. Dapat dalhin ng mga institusyong panlipunan na may malakas na impluwensya sa kaisipan ang PP. At ang pinakamaganda ay masimulan ito sa pamilya. Tingin ko dati na magandang masimulang masanay mag Ingles ang bata sa murang edad para lumaking sanay. Kaya lang lumalaki ang bata na iba sa masa at litong lito sa wika Filipino. Pagkagayon ay hindi sya lubos na makakapasok at babagay sa ‘tayo’ ng madlang Pilipino.

Dala ng mabilis na globalisasyon ay ang pagpapahirap sa proyektong pag katha ng bansa. Parang meron halos lahat ng bagay galing sa iba kultura ang inihahaharap sa atin araw araw. Naging napaka dali at napaka bilis ng pagpasok ng banyagang pwersa sa atin. Nagkalat nga ang mga Koreano at Iranian sa Vito Cruz. Kung gusto talaga nating buoin ang kathang bansa ay kailangan bilisan ang pagtaguyod ng ating sariling diskurso. Nagtagumpay na ito sa mga nasulat na kasaysayan ng Pilipinas pero marami pang iba. Mapagkupkop tayong mga Pilipino kaya naman ganito tayo. Sa isang banda ay pinag halo halong parang pakbet ang ating pagkabansa. Sa kabilang banda ay makikita ito bilang sariling atin. Ang pagbubuhusan nito ang tila pinagkakakulangan natin.

Sunday, March 27, 2011

Critical Commentary 2: Sa Postkolonyalismo at Pagkatha ng Bansa

Hindi maitatanggi na matinding laban para sa isang dating kolonya ang kumawala sa katha ng mga kolonyalista. Tunay na makabuluhan ang pagdaluman nina Frantz Fanon at Edward Said sa paggising sa kilusang tatayo at hahamon sa napasakop na pag iisip ng madla. Ang mapagtanto ng madla kung paano sila minaliit at ginawang iba base sa katayuan ng mga mananakop ay isang bagay. Ang pag tugon dito ay isa pa na nangangailangan ng malalim at makabuluhang pagkilos.

Ang pag aklas laban sa impluwensya ng kolonyalismo ay hindi lamang isang reaksyon sa masalimuot na karansan ng pananakop at pag mamaliit. Nangangahulugan din ito ng pagbibigay ng panibagong kahulugan sa kasarinlan ng isang bansa, hindi lamang sa politikal kundi maging sa kultura. Andito ang pagpapahalaga sa diversity at ang pagsusumikap na lumikha ng isang sariling bansa.

Dito sa Pilipinas, masasabi natin sa unang pagtingin na medyo malayo-layo na ang narating natin magmula sa kolonisasyon. Nagsasalita tayo ng sarili nating wika, hawak na natin ang gobyerno, at maalindog ang nakikitang nasyonalismo. Gayunpaman, sa maraming bagay ay tila hawak pa rin at patuloy na tayong kumakapit sa kolonyal na pagiisip.

Parang wala yatang radikal na aksyon laban sa kolonyalismo ang naganap dito sa Pilipinas. Sa isang banda parang mahal na mahal natin ang mga Amerikano o sabihin nang ang mga puti. Ang naging daan marahil ng dekolonisasyon ay yaong siksik rin ng impluwensya na banyaga. May nabasa ako na ilang bahagi ng librong Muling Pagkatha sa Ating Bansa ni Virgilio Almario na pumupuna sa naging kathang Pilipinas noong 1898 hanggang ngayon. Eto ang isang talata:

"Hanggang Pambansang Awit lamang at Pambansang Watawat... Kaugnay nito ang matatalim na komentaryo hinggil sa tinatawag ni Recto na 'nasyonalismong barong tagalog.' Pabalat-bunga ang paghahanap at pagpapahalaga sa pambansang kultura; kulang sa radikal na pagsuri sa kasaysayan at matimyas na pagkalinga sa pira-piraso ngunit makabuluhang alaala ng lumipas. Lubhang saklot ng Amerikanisasyon ang kasalukuyang kamulatan at may pamahalaan na Filipino nga ang humahawak ngunit laruan ng mga negosyante’t politikong multinasyonal.” (p. 29)

Siguro nga hindi natin nakikita ang mas malilim na pangangailangan sa postkolonyal na pagkatha ng bansa. Ngunit sa maraming pagkakataon ng pagkatha natin ng kulturang gagawa sa bansa ay may napamamalas na pagkilos tungo sa nasabing pakay palayo sa kolonyal. Ang pambansang awit, pambansang watawat, ang mga kaugalian na tunay na Pilipino, mababaw man para sa iba ito ay may malilim na ugat at mga tangkay na pilit umaabôt sa kaibuturan ng ating pagkatao. Ang problema nga lang ay ang patuloy na paggaya sa Kanluraning kultura. Tila hinuhubog natin ang ating bansa ayon sa hubog at ganda ng Kanluraning bansa.

Hindi naman sa nagiging napaka negatibo ng pagtanaw ko sa ating bansa, pero ang katotohanan ay mahirap taguan. Isang malaking problema at suliranin na sinasabi ng marami ay ang pagpupumilit na maging iba ng mga elite sa lipunan na humahawak sa remote control na nagpapatakbo sa bansa. Sila ang bagong mga mananakop na nagdadala ng mga pwersa ng konsumerismo na nagpapa kain sa madla ng mga produktong mapanira sa kulturang sariling atin. Kaya naman isang napakalaking tanong ang kung saan o ano ang bansang kakathain mula sa kung anong meron tayo.

Kung titignang mas mabuti ang ating kultura ay mapapansin na ang bumubuo at nagbubuklod nito ay galing mismo sa mga mananakop. Yoon nga an gating pagkakakilanlan- isang bansa na puno ng halos lahat ng bagay mula sa kung saan san. Ang paglaban ditto ay magiging kasiraan ng kayamang nakita bilang sariling atin na. Ang magandang bagay naman ay ang pagka malikhain natin sa ating sarili. At ito, sa aking palagay ang magdadala o nagdala sa atin sa bansang meron tayo. Merong sariling pagkakakilanlan ang Pilipino at ang kailangan lipulin ay yung mga “brown ameicans” na nagkalat sa Pilipinas at sa mundo.

Tuesday, March 22, 2011

Bawal Dumura


Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit ang daming mga tao ang mahilig dumura. Kahit pa sa stasyon ng tren na may nakalagay na nga na "no spitting" at "bawal dumura" dura pa din ng dura ang ilang mga tao. Hindi naman sa pagiging masama ko sa aking kababayan, eh napapansin ko lang na kadalasan ay yung mga maduduming itsura ang pala dura. Yung mga mariwasa at nakapagaral ay hindi naman pala dura. Hindi kaya naiisip ng mga taong dura ng dura kung gaano ka dugyot ang kanilang pag uugali? Sabihin man nilang kailangang idura ang plema, e wala naman yatang scietific proof yun.

Palagay ko sa pamilya nakukuha ng isang tao ang ugaling dumura. Kung hindi dugyot at malinis ang pamilyang kinalakihan ng tao eh hindi sya magiging durara sa pagtanda. Hindi na kailangang hulihin at pagmultahin pa ang bawat tao ng dudura sa publiko. Turuan na lamang ang mga bata sa eskwela na maging malinis at malusog- ipaalam sa lahat na madumi at hindi tama ang dumura ng basta basta. Sadyang may mga bagay na nakaugalian na na kailangang burahin. Ang henerasyon ng kabataan ang dapat mag dala ng pag babago. Kung totoo man ang mga nuno sa punso, sumpain na sana nila lahat ng dudura sa sa tabi tabi habang walang magawa.

Hindi ko alam kung paano gumagawa ng kampanya ang Singapore laban sa mga dugyot na ugali, pero dapat natin yung alamin at gawin din dito upang malipol na ang kultura ng pagiging durara. Wala naman sigurong lalabas na resistance movement kung tatangkaing tanggalin ang pag dura ng pagdura.

Monday, March 21, 2011

Kultura sa Gitna ng Sakuna


Sa gitna ng sakuna lumalabas ang tunay na kulay ng mga tao. Sa pagkakataong ito kasi nawawala ang anumang mga pagpapanggap at lumalabas ang totoong ugali ng tao dala na rin ng matinding mga pangangailangan. Ang kamakailan lamang na lindol at tsunami sa Japan na nagdala ng kalunos-lunos at nakapanlulumong kasiraan, ay nagbigay larawan sa kagandahan ng kanilang kultura at hindi lamang ng mapapait na karanasan.
Nakatawag pansin sa akin ang ilang mga artikulong nasulat sa mga malalaking pahayagan na pumupuri sa Japanese people sa kanilang pagharap sa buhay sa kabila ng mga sakuna. Sinabi pa sa ilang opinyon na maraming pwede matutunan ang mga Amerikano sa kulturang Hapon. Gaya nga ng sinabi ko kanina, sa mga ganitong pagkakataon naipapakita sa lahat kung anong klaseng nasyonalismo ang meron ang mga tao. Dito malalaman ang pinaghuhugutan ng lakas ng mga tao. Ang kultura na nagbibigkis sa kanila bilang isang komunidad ay nangingibabaw upang sama sama silang bumangon at humarap sa pagsikat ng bukas.
Dito din sa atin sa Pilipinas, sa paghagupit ng maraming mga bagyo at iba pang kalamidad, lumalabas ang pagkakakilanlan na namumukod tangi. Bawat kultura ay may kanya kanyang paraan ng pagpawi sa sakit at pighati ng sakuna. Dito sa atin di malilimutan ang pagiging masayahin sa gitna ng baha. Pag may camera ngingiti at popose ang mga Pilipino kahit na nawasak ang bahay. May nag bi-birthday party pa nga daw sa gitna ng baha e.
Sa Japan ikinabighani ng lahat ang malumanay at mahinahong pagharap nila sa trahedya. Naghahanap nga daw ng kaso ng looting ang ilang media at wala silang nabalitaan. Meron daw isa ngunit nang tanungin ang may ari ng tindahan, mga foreigner daw ang nag nakaw.

Tingin ko sa lahat ng bansa- sa lahat ng kultura- ay may natatago, o minsan hindi, na mga kaugaliang mapapakinabangan sa pagtatayo ng isang maunlad at nagkakaisang bansa. Hindi lang dapat sa mukha ng sakuna at natural na kalamidad lumalabas ang ganitong mga bagay. Kapag naman merong sakuna sa politika ng bansa ay wag naman sanag tumawa at pumose lang sa kamera ang mga tao.

Meron ako dito ilang link sa magagandang nasulat tungkol sa Japanese culture kaugnay ng sakunang kanilang natamasa:

Monday, March 7, 2011

Sa Katutubong Kultura, Pangangalaga sa Kalikasan, at Pagunlad

Marami na ang nawala sa ating katutubong kultura sa loob ng mahabang panahon na tayo ay sinakop at muling sinakop, at patuloy na napapasakop sa mga dayuhang elemento na umiikot sa daigdig. Dala na rin ng globalisasyon at ng patuloy na pagtahak ng daan tungo sa modernisasyon at pag-unlad, nalalagay sa santabi ang mga kagawiang nakikitang hadlang sa pangarap na paglago ng ekonomiya. Ang kapaligiran at ang mga likas yaman ang siyang nakaranas ng pinaka matinding pagkagahasa at pagabuso.

Ang larawan ng maunlad sa kasalukuyang panahon ay isang larawan ng homogenization at komersyalisasyon ng produksyon ng mga pang araw araw na pangangailangan ng lipunan. Tignan na lang natin ang pag sasaka- dahil sa pagasam ng mabilisang pag unlad ay nagawa ng tao na burahin ang mga kagubatan para magbigay daan sa malawak na mga sakahan ng mais, palay, piña, at iba pang mahal na produkto. Kasabay ng pag kasira sa kalikasan ay ang pagkasira sa katutubong mga kagawian na nakakabit sa dito.

Dala ng industrialisasyon, lalo na sa mga mahihirap na bansa, ang kawalan ng lugar at kabuhayan ng mga katutubo o kahit mga ordinaryong tao na umaasa sa kayamanan ng kalikasan. Para sa isang mas malinaw na paglalarawan ng sitwasyong ito ay tignan natin ang halimbawa ng Indonesia at ang mga Oil Palm Plantations doon. Ekta ektaryang mga kagubatan ang ibinagsak upang taniman ng Oil Palms. Kakabit nito ang pangako ng pagunlad sa mga katutubo doon. Ang mapait naman na katotohanan dito ay ang kasiraan ng kanilang nakaugaliang buhay. Nawala ang gubat na kinukunan nila ng pang araw araw na makakain; mga ilog na pangisdaan; ang buhay na hindi umiikot sa pera.

Ang katutubong kultura, sabihin mang backward o primitibo, ay nagtataglay ng mahalagang pagtangi sa kalikasan at mga yaman nito. Mapapansin naman kahit ngayon na ang mga katutubo nating kapatid ay namumuhay na umaasa sa likas yaman. Dahil nakasalalay dito ang buhay nila natural lamang na kanilang pinangangalagaan ang kalikasan.

Sa katutubong pamumuhay, sapat lamang at hindi sobra sobra ang inaani sa likas na yaman. Halimbawa, manghuhuli ka lamang ng sapat na bilang ng isda para makain at may kaunting maibebenta. Sa ganitong pamamaraan ay mas makakatiyak tayo na may isda pa ring mahuhuli ang susunod na mga henerasyon. Gayundin naman sa pagsasaka at nauuso nga ngayon ang tinatawag na ang mga organikong paraan ng pagtatanim. At sa katunayan ay may mga kampanya pa nga nag awing parang sa kantang bahay kubo ang kanya kanyang bakuran upang doon na lamang kumuha ng mga gulay gulay. Sa komersialisadong pagsaka kasi nito ay maraming lason ng pataba ang naiiwan at sumisira sa tubig, lupa, at sa hangin.

Ang kaunlaran ay pwedeng marating kasabay ng maingat na pangangalaga sa kalikasan kung hindi natin tatalikuran ang ilang mga katutubong pamamaraan. Sa huli, ang pagunlad ay maaring bigyan ng panibagong kahulugan na hindi kumukatawan sa kanluraning kultura nito na mapanira sa kalikasan.

Wednesday, March 2, 2011

Katolisismo ng Quiapo

Ang Quiapo ay isang malaking larawan ng pag hahalo halo ng kulturang Pilipino. Pinakasikat sa larawang ito ng Quiapo ay ang Basilica Minore ng Poong Nazareno na tumatayong sagisag ng Katolisismo sa bansa- isang bagay na dala ng mga mananakop na Kastila. Ngunit sa likod nito ay ang pamamayagpag ng katutubong paganismo na makikita sa mga agimat, gayuma, mga langis, at mga damu’t dahon na binebenta sa tabi mismo ng simbahan. Matindi man ang pag tutol ng simbahang Katoliko sa mga paniniwalang ito ay tila hindi walang nagbabago at patuloy pa rin sa negosyo ang mga nag aagimat.

Bukod sa mga pagaagimat at pagaalbularyo ay tipikal din sa maraming Pilipino, lalo na sa mga hindi edukado at mahihirap, ang panatisismo na napapamalas sa kasukdulan tuwing piyesta ng Nazareno. Ang sinaunang pag samba sa anito at mga imaheng lilok ng mga katutubo ay may pagkakatulad sa pangkasalukuyang kagawian. Ang pag himas sa rebulto ay pinaniniwalaang nagbibigay himala at lunas sa sakit kaya naman talagang pinipilahan ang Nazareno para maka dampi.

Kung susuriin ay mapapansin ang pagsasamasama ng mga kagawian kahit pa sa isang banda ay mali at di karapat dapat ayon sa simbahan. Halata naman na malaking pagkukulang ng simbahan sa pagpalaganap nito ng kanyang mga turo. Gayunpaman, pwede ring tignan na isang pwersa ito ng resistance pero medyo malabo ito.

Nakikita ko ang kulturang mapagangkin ng iba. Mahilig tayo sa mag bago sa paningin at ginagaya natin to. Sa huli lahat na ng ugali at gawi pinag halo halo natin. Ang dating agimat ay may muka ng mga hayop o kakaibang nilalang, ngayon ang agimat ay may muka ng santo. Kahit nga ang pag aalay ng dugo ng hayop para pantaboy ng malas ay may Kristiyanong dasal.

Baka kaya sadyang tumatakbo sa dugo ng mga Pilipino ang mga katutubong paniniwala na kahit anong hirap burahin ng simbahan ay nagpapatuloy pa rin. Ito ba ay lokalisasyon ng dayuhang relihiyon o paggawang dayuhan sa katutubong relihiyon? Sa kahit anong angulo nito, ang simabahan ay magpapatuloy sa pag puksa ng kaugaliang mali sa paningin nito. Sa kabila ng lahat ang pista ng Nazareno sa Quiapo, tulad din ng sa iba’t iba pang mga lugar sa Pilipinas, ay maituturing na institusyon na.

Bilang pahabol, naalala ko na kung ang simbahan at pagtutol sa kolonyal ang paguusapan ay hindi mawawala si Gregorio Aglipay na tumiwalag sa Roma at nagtayo ng sarili nyang simbahan na tinawag nyang Iglesia Filipina Independiente. Hindi ito nakaakit ng maraming tagasunod. Gayunpaman ang dekada sisenta ng nakaraang siglo ay nagbukas sa malaking mga pagbabago sa simbahang Katoliko dala ng Ikalawang Kosilyo Batikano. Sinimulan noon ang lokalisasyon ng simabahan at kabilang ditto ang pag gamit ng wikang bernakular sa Misa.

Monday, February 21, 2011

Critical Commentary 1: Feminism in Postmodernism

Binuksan ng postmodernism ang pinto palabas sa mga malalaking kwento na sa matagal na panahon ay lumipig sa kaisipan. Ang paglago ng iba’t ibang kaisipan sa postmodernism ay nag bigay ng samu’t saring mga bagong pamamaraan ng pagtanaw sa mga bagay bagay. Pinaigting nito at pinahalagahan ang pagkakaiba-iba sa sangkatauhan. Dahil dito ay mas napagtuunan ng pansin at nabigyang kapangyarihan ang mga dating hindi pinapansin tulad ng mga tila ordianryong pangyayari sa araw-araw na buhay ng mga tao.

Ang isang kaisipan na nais kong pagtuunan ng pansin ay ang feminism at ang pag bigay nito ng bagong kahulugan sa gender. Tama lamang ang pag labas ng ilang kababaihan noon upang simulan ang laban para sa mas makahulugang pamumuhay. Ang kanilang naging laban tungo sa pagkakapantay sa kalalakihan ay isang malaking hakabang laban sa pagkapatriarkal ng lipunan.

Pagkakapantay ng karapatan at katayuan ng babae at lalaki ang naging pangunahing sigaw ng unang tema ng feminism. Bagamat maganda ang adhikaing ito, sadyang marami at komplikado ang pagkakaiba ng babae at lalaki. Kung sa biological na pagkakaiba lang ay walang paraan para maging magkatumbas ang babae at lalaki. Gayunpaman, ang usapang pang karapatan ang pinaka importante. Ang pagboto, pagpasok sa mataas na paaralan, pagtatrabaho ay ilan sa malaya nang nagagawa ng kababaihan.

Kadalasang inilalarawan ang pagkakapantay ng kasarian sa pagsasabing kaya ng babae ang anumang ginagawa ng lalaki. Maaring totoo ngunit hindi ko ito nakikitang praktikal. Oo, kaya ng babae na maging konstraksyon worker, o kaya ay minero, tubero, tsuper, o konduktora ngunit hindi pa rin ito tugma sa kanilang kapakanan. Hindi sa nagiging patriarkal ang aking pagiisip kayak o sinasabi ito. Meron lamang talagang mga espesyal na pangangailangang ntatangi sa bawat kasarian at ang ibig kong sabihin ditto ay hindi lamang ang tradisyonal na kasariang lalaki at babae.

Sa pelikulang North Country, kung saan isinadula ang tunay na kwento ng ilang babae na nagtrabaho sa minahan, pinakita na hindi sapat para masabing pantay ang paggawa ng babae sa trabaho na masasabing panlalaki. Ito marahil ay isa sa unang pagtangka na kumawala sa tradisyonal na gawain ng babae dala na rin ng panahon at pangangailangan. Ang mga pangaapi, pangungutya, at pambabastos sa mga babae ng nakararaming kalalakihan sa minahan ay sadyang dala dala ng kultura. Inilaban ng bida sa nasabing pelikula ang kaso ng kababaihan sa korte at sila ay nagwagi matapos ang mahaba at madugong mga pagdinig. Mula noon ay nabigyang liwanag ang karapatan ng babae.

Sa kabilang banda, ang pagtanaw ng sobra sobra naman ng ilang feminista ay naging sanhi rin ng ilang komplikasyon. Sa sobrang pagpapaimportante ng ilang feminista kasi ay tila gusto naman nilang maging mas dominante sa kalalakihan. Ang pagbigay lamang ng ilang espesyal na pribilehiyo sa kababaihan ay maaring makita bilang pagpapalawig ng kaibahan kung saan maaring makaramdam ng pagka agrabyado ng ilang kalalakihan. Halimbawa na lang ay ang pagbigay ng espesyal na coach sa tren para lamang sa babae. Nauunawaan ko ang sitwasyon at ang iba iba pang kadahilanan ngunit hindi ito kailanman bahagi ng postmodern. Paano naman ang ilang kalalakihan na nakakaranas din ng mga hindi kanaisnais na bagay, amoy, lasa, paningin, at pakiramdam?

Bilang pang huli, ang pagkakapantaypantay ay ang pagbibigay ng karampatang ayon sa natural na pangangailangan ng bawat kasarian. Sa huli, tayong lahat ay pare parehong mga tao na may malawak na pagkakaibaiba. Ang pagkakaibang ito ay hindi dapat sirain bagkus ay dapat palaguin at ituring na kayamanan ng ating iisang lahi dahil may espesyal sa bawat detalye hangang sa pinaka butil ng kasarinlan ng indibidwal.

Saturday, February 5, 2011

Sa Feminism at French Tradition of Cultural Studies


Hindi ko maiwasang i konekta ang Feminism sa diskusyon ng French tradition of cultural studies. Binigyang linaw ng French tradition of cultural studies ang malaking isyu sa kinalaman ng kultura o lipunan sa mga pananaw at pagunawa sa mga bagaybagay. Sa isang banda pamilyar ang kaisipan ng Annales School sa kaisipan ng Feminism. Isang bagay na maipagkukumpara ay ang Feminism ng Pranseng pilosopo na si Simone de Beauvoir.

Sa pasimula kasi ng Second Wave feminism iginiit ni de Beauvoir ang pagiging other ng babae at ang papel ng kultura/lipunan sa pag hubog ng gender. Aniya ang gender ay isang social construct at naiiba sa sex. Sa kanyang isinulat na The Second Sex pinaliwanag nya sa isip ng marami ang kinalugaran ng kababaihan sa lipunang pinangingibabawan ng kalalakihan. Sa mundo na pinaiikot ng mga dualismo ang babae ang syang laging nasa masama o di kaya’y mababang gawi. Kaya naman ipinilit nya na ang ganung kalagayan ng babae ay pwedeng malagpasan, mabago, o mahubog sa kadahilanang ito ay gawa-gawa lamang ng lipunan. Bunsod na din ng pagiging existentialist ni de Beauvoir, na nagsasabing ang ating existence ay dinidiktahan ng kung ano’ng gawin natin sa ating sarili, ang babae, sabi nya, ay maaring itranscend ang pagiging iba o other nya.

Naalala ko ang isang bading sa ipinapanuod saming episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho. Parang ganito ang sabi niya, “Kahit ganito ako, gusto ko patunayan sa mga tao na kaya kong makatulong sa pamilya ko sa ganitong paraan.” Siguro ang pagkakaingin nya o di kaya ang pag akyat sa kuweba nung iba ay paraan nila ng pagtranscend sa stereotypical na bading sa matalim na paningin ng lipunan.

Ang postmodern na daigdig ay nagbigay ng maraming mga paraan upang lumabas sa pagkaapi at pagkikimkim ang mga miyembro ng lipunan na naapi. Gayundin naman mas lumawak at nagging mas makulay ang kaban ng mga ideya, saloobin, at samu’t saring kaisipan at pagpapahayag ng pagkatao ng mga indibidwal sa lipunan. Mas lumalakas at tila di na palulupig pang muli sa idinidikta ng lipunan ang mga naliwanagan ng postmodernism.

Monday, January 24, 2011

CULTURE AND POLITICS

>>>>> For CULPOLI posts
please click the Culture and Politics label in the right>>>>>

Sa Mass Media

Malaki nga talaga ang impluwensya ng media sa pagiisip at pamumuhay ng mga tao. Sa maraming mga Pilipino ang teledrama ay siya ring kanilang buhay. Kinahuhumalingan ng madla ang mga kuwento kung saan nakikita nila ang sarili nila. Sa kabilang banda, ang mga karakter sa kwentong ito rin naman ang isinasabuhay ng ilang mga fans. Ang pagiisip ng mga tao ay lubos ding naapektuhan nga mga napapanuod at nababasa. Kung minsan nga ay hindi na pinagiisipan at basta na lamang tinatanggap ang mga animo’y mga katotohanang binebenta ng media.

Kasabay ng mga technological advancements sa komunikasyon, transportasyon, at informacion ay ang paglaganap ng mga pamamaraan ng paghubog sa kultura. Ang mga Pilipino ay maraming kanaisnais at natatanging mga kaugalian na nakaugat sa ating kultura. Sa aking palagay, at ng marami pang iba, ang mga bahaging ito n gating kultura ay hindi dapat hayaang mawala. Sa pamamagitan ng mga innovations sa mass media ay kayang kayang na palaguin, palaganapin, at panatilihin ang mga mabuting kultrang Pilipino. Gayundin naman, madali na lang ngayon ang pagbuo ng mga bagong kultura. Sana magamit ang technology na meron tayo ngayon para sa pag-likha ng Pilipinas na ating pinapangarap. Maraming mga Pilipino ang hindi nakakpagaral; may mga nakakapasok nga sa eskwela ngunit wala naming natututunan. Sabihin na nating nakakapanuod ng TV ang mga batang kapos sa pagkatuto, sana kahit paano makatulong ang napapanood nila sa paghubog at ikabubuti ng kanilang pagkatao.