Unang una ay nais kong isa-konteksto natin ang relihiyon bilang isang culture industry ayon sa daluman nina Hokheimer at Adorno. Ang relihiyon, ayon sa isinulat ni Alison Zelinger ng University of Colorado sa Boulder, ay may mga mananampalataya na tumatayo bilang consumers ng mga produktong pinangailangan ng mga lider nito. Halimbawa ay mga Biblia, rosario, imahen, Krismas tree, at iba pa. Ani Zalinger ang indibidwalidad ay nawawala halimbawa sa kulturang Judio dahil sa paglikha nito ng standardisadong larawan ng mga miyembro nito. Kaya naman ang mga mananampalataya ay nagiging mga tagasunod sa mainstream.
Gaya ng sa ibang culture industry, ito ay may monopoly ng kapangyarihan sa ilang mga bagay bagay. Dito ko ngayon ipapasok na ang imahen ni Hesus na nakatampok sa mga simbahan at mga tahanan ng maraming katoliko ay isang cultural product. Alam naman nating lahat na dala ng mga mananakop na EspaƱol ang Katolisismo sa bansa. Napansin ko na karamihan sa mga larawan ni Hesus na nakatampok sa mga altar ay may katangiang Puti- gaya ng mga Kastila. Hindi kaya ginamit nila ang larawang ito ng Diyos upang mas mapadali ang pananakop sa atin noon? Nagpakilala sila sa atin ng isang Diyos na kalarawan nila. At kung yun nga ang sitwasyon ay ibig sabihin magpa sa hanggang ngayon ay tila kolonisado pa rin tayo.
Ang Tunay na Mukha ni Hesus
Ang mga larawan ni Hesus, nakapako man sa krus o hindi, sa matagal nang panahon ay naging sagisag na rin ng Simbahang Romano Katoliko. Sa naging pagpapalaganap ng pananampalatayang ito ng Kanlurang Europa ay kumalat din ang kanilang imahe ni Hesus. Gayunpaman, mainam na alalahanin natin na nabuhay si Hesus sa panahong imposible ang pagkakataong makapag photo opt. Dahil diyan ay wala talagang larawan ni Hesus ang masasabi nating sumasapol sa itsura niya.
Ito ang nagbunsod sa akin upang magsaliksik sa kasaysayan ng imahen ni Hesus. Napagalaman ko na nagmula noong 235 AD sa Syria ang pinakamatandang imahe ni Hesus na naitala. Ang nakakabighani dito ay ang pagsasalarawan sa kanya bilang isang mariwasang pilosopo na nakabihis sa pampilosopo. Inilarawan si Hesus nang tulad sa mga makata ng kanilang sariling lipunang Greko-Romano ng walang pag inda sa katotohanan na ang nilalarawan nila ay isang judio. Sa paglipas naman nag panahon ay lumabas pa ang ibang larawan na nagtataglay lagi ng katangiang likas sa lipunang lumikha nito. Sa ilan ngang pagaaral ay ginawa rin ang imahe na kamuka ng mga diyos ng pagano. Ang larawan na balbas saradong Greko-Romano ang naging kumbensyonal na imahe ni Hesus. Kaya naman, masasabi na ito ay isang kathang pangkalinangan ng mga Europeo.
May isang dokumentaryo ang pinapanood sa amin sa isang klase sa teolohiya kamakailan at pinakita rito ang pag likha ng tunay na mukha ni Kristo. May ilang mga taong agham ang nagsamasama upang bumuo ng larawan ng isang tipikal na lalaking Judio mula sa Israel noong kapanahunan ni Hesus. Ang kinalabasan ay nasa larawan ika-3 larawan sa baba. Yan daw ang pinaka malapit na itsura ni Hesus- arabo, maitim, kulot. Malayo sa kumbensyonal na imahe ng mga Europeo.
Pagkatha ng Pilipinong Mukha para kay Hesus
Gayunpaman, ang mukha ni Hesus, sa teolohikal na pagtingin ay di ganon kaimportante dahil representasyon lang naman ito. Subalit ang representasyong ito ay mahalaga dahil naghahatid ito ng makapangyarihang ideolohiya bilang isang cultural product. Ang culturally constructed na larawan ni Hesus sa Europa ay paraan nila ng pag-angkin sa Diyos na ito at paggawa sa kanya bilang isa sa kanila. Sa pagdala at pagiwan nila ng larawang ito sa kanilang mga nasakop ay dinadala at iniiwan din nila ang kanilang sariling imahe na nakatampok sa altar. Kung culturally constructed lang din naman ang mukha ni Hesus ay maari din siguro tayong gumawa ng sariling bersyon ng mukha na ito.
Isang Pilipinong mukha ni Kristo. Ano sa tingin mo ang magiging dating sa mga mananampalataya ng gayong larawan? Isang araw habang nanonood ako ng isang dokumentaryo ay napa ahoy ako nang may hinapyawang kuha ng stained glass kung saan pinapakita ang pagpako sa krus ni Hesus. Nabighani ako sapagkat ang Kristo at mga kasama nito sa larawan ay hindi kumbensyonal na imahe ng mga Europeo. Pilipino ang Kristong ipinapako sa krus! (Tignan ang ika-4 na larawan sa baba) Nagimbal ang aking isip sapagkat noon lang ako nakakita ng gayong larawan. Hindi pa ako pamilyar sa CULPOLI noon kaya inisip ko na trip lang ng artista ang pag gawa noon. Pero ngayon nga ay nahanapan ko ito ng mas malalim na kahulugan.
Maaring naisip ng lumikha noon ang naiisip ko ngayon. Ang paglarawan kay Kristo bilang isang katulad natin ay naghahayag na ang diyos na ito ay isa sa atin- kalipi, kalahi, katutubo.
Ang Katolisismo- sabihin na rin nating Kristiyanismo- ay isang bagay na hindi katutubo sa atin. Ito ay kolonyal na bagay na ginamit sa pagsakop sa atin at matagumpay nga iyong nangyari. Ang relihiyong ito ay naitanim na nang sobrang lalim sa atin at hindi na mahuhugot pa. Sa kasalukuyang panahon nga ay pinagmamalaki pa natin ang katangian bilang kristiyanong bansa. Sa pagalis ng mga manakop ay iniwan nila ang simbahan na sa paglipas ng panahon ay nalocalize at naisakatutubo na rin sa ilang bagay dala, sa isang banda, ng Ikalawang Konsilyo Batikano. Gayunpaman ay nanatiling banyaga ang mukha ni Hesus sa maraming mga larawan.
Ang isang Pilipinong mukha ni Hesus ay maaring pagwalay na kinagisnang at nakasanayang larawan na ito. Nakikita ko ito bilang isang postkolonyal na tangka sa relihiyong dala ng mananakop. Gaya ng sabi ko kanina, nakabaon na ng malalim sa atin ang relihiyong ito kaya naman hindi na pwede gibain sa ngalan ng postkolonyalismo. At sa parehong kadahilanan ng malalim na ingkulturasyon dito ay malabo ang magtayo ng simbahang tiwalag sa utos ng Roma. Ang paggawang Pilipino kay Hesus ay dala ng pagnanais na kupkupin ang Kristiyanismo at likhain ito sa ating sariling panlasa o pananaw.
Sa usapin ng passive acceptance makikita na sa pagpilipinisa kay Kristo ay nagiging malikhain tayo at pinananaig pa rin ang sariling pananaw. Isa pa, maliban sa pagiging likhang sining ng iba’t ibang mukha ni Kristo, nagdadala ang mga imahe ng mensaheng mapagpalaya na bukal sa saligan ng relihiyong ito. Si Hesus ay isang persona ng pagliligtas at pagpapalaya, at yan ay isang dahilan kung bakit mahalaga sa aking paningin ang larawan niya na kinikilala ng tao. Sa marami kasing mga tao lalo na yung mga mababaw ang pagiisip, malabo at sobrang nipis ng puwang sa pagitan ng imahen at ng tunay na nirerepresenta nito. Kumbaga ay pawing Europeo ang tinitingala natin kay Hesus imbes na ang tunay na kahulugan nito.
Si Kristo ay hindi dapat maging mananakop sa atin. Ang bawat likhang sining relihiyoso man o hindi ay may kwentong dala-dala. Ang kumbensyonal na larawan ni Hesus ditto ngayon ay may dalang kwento na nagmula sa ‘kanila’ at hindi sa ‘atin’. Pagka ganyan ay hindi ganun kalalim ang dugtungan ng larawan sa tumitingin. Wala kasing konek; para bagang hindi ka ganoon nakaka-relate. Samantalang ang larawan na kamukha natin ay may kwentong mas malalim para sa isang Pilipino. Ang dugtungan nito sa audience o sa consumer ay di hamak na mas malapit. Sa ganitong paraan ay nakagawa tayo ng Pilipinong mukha ni Kristo at nabigyan natin sya ng mas malalim na kahulugan sa atin.
No comments:
Post a Comment