Sa gitna ng sakuna lumalabas ang tunay na kulay ng mga tao. Sa pagkakataong ito kasi nawawala ang anumang mga pagpapanggap at lumalabas ang totoong ugali ng tao dala na rin ng matinding mga pangangailangan. Ang kamakailan lamang na lindol at tsunami sa Japan na nagdala ng kalunos-lunos at nakapanlulumong kasiraan, ay nagbigay larawan sa kagandahan ng kanilang kultura at hindi lamang ng mapapait na karanasan.
Nakatawag pansin sa akin ang ilang mga artikulong nasulat sa mga malalaking pahayagan na pumupuri sa Japanese people sa kanilang pagharap sa buhay sa kabila ng mga sakuna. Sinabi pa sa ilang opinyon na maraming pwede matutunan ang mga Amerikano sa kulturang Hapon. Gaya nga ng sinabi ko kanina, sa mga ganitong pagkakataon naipapakita sa lahat kung anong klaseng nasyonalismo ang meron ang mga tao. Dito malalaman ang pinaghuhugutan ng lakas ng mga tao. Ang kultura na nagbibigkis sa kanila bilang isang komunidad ay nangingibabaw upang sama sama silang bumangon at humarap sa pagsikat ng bukas.
Dito din sa atin sa Pilipinas, sa paghagupit ng maraming mga bagyo at iba pang kalamidad, lumalabas ang pagkakakilanlan na namumukod tangi. Bawat kultura ay may kanya kanyang paraan ng pagpawi sa sakit at pighati ng sakuna. Dito sa atin di malilimutan ang pagiging masayahin sa gitna ng baha. Pag may camera ngingiti at popose ang mga Pilipino kahit na nawasak ang bahay. May nag bi-birthday party pa nga daw sa gitna ng baha e.
Sa Japan ikinabighani ng lahat ang malumanay at mahinahong pagharap nila sa trahedya. Naghahanap nga daw ng kaso ng looting ang ilang media at wala silang nabalitaan. Meron daw isa ngunit nang tanungin ang may ari ng tindahan, mga foreigner daw ang nag nakaw.
Tingin ko sa lahat ng bansa- sa lahat ng kultura- ay may natatago, o minsan hindi, na mga kaugaliang mapapakinabangan sa pagtatayo ng isang maunlad at nagkakaisang bansa. Hindi lang dapat sa mukha ng sakuna at natural na kalamidad lumalabas ang ganitong mga bagay. Kapag naman merong sakuna sa politika ng bansa ay wag naman sanag tumawa at pumose lang sa kamera ang mga tao.
Meron ako dito ilang link sa magagandang nasulat tungkol sa Japanese culture kaugnay ng sakunang kanilang natamasa:
No comments:
Post a Comment