Pages

Monday, March 7, 2011

Sa Katutubong Kultura, Pangangalaga sa Kalikasan, at Pagunlad

Marami na ang nawala sa ating katutubong kultura sa loob ng mahabang panahon na tayo ay sinakop at muling sinakop, at patuloy na napapasakop sa mga dayuhang elemento na umiikot sa daigdig. Dala na rin ng globalisasyon at ng patuloy na pagtahak ng daan tungo sa modernisasyon at pag-unlad, nalalagay sa santabi ang mga kagawiang nakikitang hadlang sa pangarap na paglago ng ekonomiya. Ang kapaligiran at ang mga likas yaman ang siyang nakaranas ng pinaka matinding pagkagahasa at pagabuso.

Ang larawan ng maunlad sa kasalukuyang panahon ay isang larawan ng homogenization at komersyalisasyon ng produksyon ng mga pang araw araw na pangangailangan ng lipunan. Tignan na lang natin ang pag sasaka- dahil sa pagasam ng mabilisang pag unlad ay nagawa ng tao na burahin ang mga kagubatan para magbigay daan sa malawak na mga sakahan ng mais, palay, piƱa, at iba pang mahal na produkto. Kasabay ng pag kasira sa kalikasan ay ang pagkasira sa katutubong mga kagawian na nakakabit sa dito.

Dala ng industrialisasyon, lalo na sa mga mahihirap na bansa, ang kawalan ng lugar at kabuhayan ng mga katutubo o kahit mga ordinaryong tao na umaasa sa kayamanan ng kalikasan. Para sa isang mas malinaw na paglalarawan ng sitwasyong ito ay tignan natin ang halimbawa ng Indonesia at ang mga Oil Palm Plantations doon. Ekta ektaryang mga kagubatan ang ibinagsak upang taniman ng Oil Palms. Kakabit nito ang pangako ng pagunlad sa mga katutubo doon. Ang mapait naman na katotohanan dito ay ang kasiraan ng kanilang nakaugaliang buhay. Nawala ang gubat na kinukunan nila ng pang araw araw na makakain; mga ilog na pangisdaan; ang buhay na hindi umiikot sa pera.

Ang katutubong kultura, sabihin mang backward o primitibo, ay nagtataglay ng mahalagang pagtangi sa kalikasan at mga yaman nito. Mapapansin naman kahit ngayon na ang mga katutubo nating kapatid ay namumuhay na umaasa sa likas yaman. Dahil nakasalalay dito ang buhay nila natural lamang na kanilang pinangangalagaan ang kalikasan.

Sa katutubong pamumuhay, sapat lamang at hindi sobra sobra ang inaani sa likas na yaman. Halimbawa, manghuhuli ka lamang ng sapat na bilang ng isda para makain at may kaunting maibebenta. Sa ganitong pamamaraan ay mas makakatiyak tayo na may isda pa ring mahuhuli ang susunod na mga henerasyon. Gayundin naman sa pagsasaka at nauuso nga ngayon ang tinatawag na ang mga organikong paraan ng pagtatanim. At sa katunayan ay may mga kampanya pa nga nag awing parang sa kantang bahay kubo ang kanya kanyang bakuran upang doon na lamang kumuha ng mga gulay gulay. Sa komersialisadong pagsaka kasi nito ay maraming lason ng pataba ang naiiwan at sumisira sa tubig, lupa, at sa hangin.

Ang kaunlaran ay pwedeng marating kasabay ng maingat na pangangalaga sa kalikasan kung hindi natin tatalikuran ang ilang mga katutubong pamamaraan. Sa huli, ang pagunlad ay maaring bigyan ng panibagong kahulugan na hindi kumukatawan sa kanluraning kultura nito na mapanira sa kalikasan.

2 comments:

  1. Thanks for these info.
    Follow me on IG: Kennethbby and Twitter: @kennethbby
    also add me on Facebook: Mark Kenneth Cabadsan Uy :-u

    ReplyDelete