Ang Pantayong Pananaw (PP) ni Zeus Salazar (nasa larawan) bilang isang eskwelang pangkaisipan ay isang malaking tangkang pagkilos tungo sa pagkatha ng postkolonyal na bansa. Hindi ito simpleng pakulo lamang sa loob ng akademya, bagkus ay naglalayong umabot sa madla at bumuo ng kamalayan na ilalagay ang pantayo sa ibabaw ng pangkami at pansila. Ambisyoso mang maituturing, ito ay maaring maging susi sa ating pagwalay sa kamalayang tadtad ng mapangmaliit na kaisipang kolonyal. Totoo na hanggang ngayon ay marami ang hindi lubusang nakababatid sa pangangailangang nating bumuo ng sariling katutubong pananaw at kumalag sa tali ng kolonyal na pagiisip.
Isa sa gustong pangyarihin ng PP ay ang pagkakaroon ng iisang wika. Mahalaga ito sapagkat masasabi na ang wika ang pinakamatibay na nagbibigkis sa mga tao sa isang bansa o nasyon. Kaya naman isang malaking hamon sa isang bansa tulad natin ang bumuo ng isang nasyon dahil sa malawak na etno-linguistikong pagkakaibaiba. Gayunpaman ay alam naman natin na Filipino ang wikang pambansa at kahit paano’y naiintindihan ito ng halos buong populasyon. Kaya lang nananatiling andyan at buhay na buhay ang mga dialekto sa bawat rehiyon. Sa isang banda may pait pa rin sa ilan ang pag gawa sa Tagalog na wikang pambansa. Hindi naman yata makapapayag ang iba na hayaang mawala ang kanilang wika. Sa kabila ng lahat tumagal naman tayo bilang isang bansa dahil kasama pa rin naman sila sa ‘tayo’. Ang problema nga lang ay hindi yaong nasa loob kundi mas higit yung impluwensya ng labas.
Ngayon ko lang napagtanto, naunawaan, at napahalagahan ang ginagampanan ng aking pananaw sa pag buo ng bansa na sariling atin. Sa medyo malalim na pagninilay ay nakita ko na Amerikanisado ang aking pananaw. Mula sa paggamit ng wikang Ingles, sa panunuod ng pelikula at mga tele-seryeng Ingles, mga babasahin, hanggang sa mga balita galing sa Kanluran ay sobra sobra na akong naimpluwensyahan nang hindi ko tanto na ang aking pananaw ay tulad na ng sa kanila. Grabe. Ang malala pa ay hanggang sa Unibersidad ay tila kapos sa katutubong pananaw. Maliban sa CULPOLI ay sa KASPIL2 at dalawang Filipino minor courses ko lang narinig ang tungkol sa ganitong kaisipan.
Kung magpapatuloy ang matindi at malawakang inkulturasyon na nagaganap sa pang araw araw na buhay ng tao ay baka tuluyan nang maglaho ang anumang natitira sa ating katutubong kamalayan. Buti na lang may PP. Tingin ko, edukasyon at tanging ito lamang ang pinakamalakas na pwersang maari nating gamitin sa pagpapalaganap ng PP- ang pananaw na magdadala sa atin sa isang namumukod-tanging Bansa. Nakakalungkot na sa akin ngayon na isiping sa mas maraming paaralan ay mababa ang pagpapahalaga sa wikang sariling atin. Sa murang edad ay pinipilit na mag Inglesan por ke ito raw ay mas magaling, mas dekalidad, mas magdadala sa tagumpay. Kasama na rin nito ang pagpapakilala sa mga banyagang imbentor, artista, musikero, manunula, at iba pa upang tingalain at idolohin lalo na sa mga private school. Lumalaki ngayon ang mga bata na walang muwang sa kasarinlan ng kanyang isip.
Ang puwang sa pagitan ng elite na nasyon at Filipino na nasyon ay sinabing matutugunan ng edukasyon at sang ayon ako rito. Walang maliwanag na palagay ang edukasyon sa bansa hinggil sa usaping ito. Kadalasan ang mga private school ay may kanluraning pamamaraan at ito ay nagpapalawak sa puwang na namamagitan sa ating dalawang ‘nasyon’. Dapat dalhin ng mga institusyong panlipunan na may malakas na impluwensya sa kaisipan ang PP. At ang pinakamaganda ay masimulan ito sa pamilya. Tingin ko dati na magandang masimulang masanay mag Ingles ang bata sa murang edad para lumaking sanay. Kaya lang lumalaki ang bata na iba sa masa at litong lito sa wika Filipino. Pagkagayon ay hindi sya lubos na makakapasok at babagay sa ‘tayo’ ng madlang Pilipino.
Dala ng mabilis na globalisasyon ay ang pagpapahirap sa proyektong pag katha ng bansa. Parang meron halos lahat ng bagay galing sa iba kultura ang inihahaharap sa atin araw araw. Naging napaka dali at napaka bilis ng pagpasok ng banyagang pwersa sa atin. Nagkalat nga ang mga Koreano at Iranian sa Vito Cruz. Kung gusto talaga nating buoin ang kathang bansa ay kailangan bilisan ang pagtaguyod ng ating sariling diskurso. Nagtagumpay na ito sa mga nasulat na kasaysayan ng Pilipinas pero marami pang iba. Mapagkupkop tayong mga Pilipino kaya naman ganito tayo. Sa isang banda ay pinag halo halong parang pakbet ang ating pagkabansa. Sa kabilang banda ay makikita ito bilang sariling atin. Ang pagbubuhusan nito ang tila pinagkakakulangan natin.
No comments:
Post a Comment