Pages

Sunday, March 27, 2011

Critical Commentary 2: Sa Postkolonyalismo at Pagkatha ng Bansa

Hindi maitatanggi na matinding laban para sa isang dating kolonya ang kumawala sa katha ng mga kolonyalista. Tunay na makabuluhan ang pagdaluman nina Frantz Fanon at Edward Said sa paggising sa kilusang tatayo at hahamon sa napasakop na pag iisip ng madla. Ang mapagtanto ng madla kung paano sila minaliit at ginawang iba base sa katayuan ng mga mananakop ay isang bagay. Ang pag tugon dito ay isa pa na nangangailangan ng malalim at makabuluhang pagkilos.

Ang pag aklas laban sa impluwensya ng kolonyalismo ay hindi lamang isang reaksyon sa masalimuot na karansan ng pananakop at pag mamaliit. Nangangahulugan din ito ng pagbibigay ng panibagong kahulugan sa kasarinlan ng isang bansa, hindi lamang sa politikal kundi maging sa kultura. Andito ang pagpapahalaga sa diversity at ang pagsusumikap na lumikha ng isang sariling bansa.

Dito sa Pilipinas, masasabi natin sa unang pagtingin na medyo malayo-layo na ang narating natin magmula sa kolonisasyon. Nagsasalita tayo ng sarili nating wika, hawak na natin ang gobyerno, at maalindog ang nakikitang nasyonalismo. Gayunpaman, sa maraming bagay ay tila hawak pa rin at patuloy na tayong kumakapit sa kolonyal na pagiisip.

Parang wala yatang radikal na aksyon laban sa kolonyalismo ang naganap dito sa Pilipinas. Sa isang banda parang mahal na mahal natin ang mga Amerikano o sabihin nang ang mga puti. Ang naging daan marahil ng dekolonisasyon ay yaong siksik rin ng impluwensya na banyaga. May nabasa ako na ilang bahagi ng librong Muling Pagkatha sa Ating Bansa ni Virgilio Almario na pumupuna sa naging kathang Pilipinas noong 1898 hanggang ngayon. Eto ang isang talata:

"Hanggang Pambansang Awit lamang at Pambansang Watawat... Kaugnay nito ang matatalim na komentaryo hinggil sa tinatawag ni Recto na 'nasyonalismong barong tagalog.' Pabalat-bunga ang paghahanap at pagpapahalaga sa pambansang kultura; kulang sa radikal na pagsuri sa kasaysayan at matimyas na pagkalinga sa pira-piraso ngunit makabuluhang alaala ng lumipas. Lubhang saklot ng Amerikanisasyon ang kasalukuyang kamulatan at may pamahalaan na Filipino nga ang humahawak ngunit laruan ng mga negosyante’t politikong multinasyonal.” (p. 29)

Siguro nga hindi natin nakikita ang mas malilim na pangangailangan sa postkolonyal na pagkatha ng bansa. Ngunit sa maraming pagkakataon ng pagkatha natin ng kulturang gagawa sa bansa ay may napamamalas na pagkilos tungo sa nasabing pakay palayo sa kolonyal. Ang pambansang awit, pambansang watawat, ang mga kaugalian na tunay na Pilipino, mababaw man para sa iba ito ay may malilim na ugat at mga tangkay na pilit umaabĂ´t sa kaibuturan ng ating pagkatao. Ang problema nga lang ay ang patuloy na paggaya sa Kanluraning kultura. Tila hinuhubog natin ang ating bansa ayon sa hubog at ganda ng Kanluraning bansa.

Hindi naman sa nagiging napaka negatibo ng pagtanaw ko sa ating bansa, pero ang katotohanan ay mahirap taguan. Isang malaking problema at suliranin na sinasabi ng marami ay ang pagpupumilit na maging iba ng mga elite sa lipunan na humahawak sa remote control na nagpapatakbo sa bansa. Sila ang bagong mga mananakop na nagdadala ng mga pwersa ng konsumerismo na nagpapa kain sa madla ng mga produktong mapanira sa kulturang sariling atin. Kaya naman isang napakalaking tanong ang kung saan o ano ang bansang kakathain mula sa kung anong meron tayo.

Kung titignang mas mabuti ang ating kultura ay mapapansin na ang bumubuo at nagbubuklod nito ay galing mismo sa mga mananakop. Yoon nga an gating pagkakakilanlan- isang bansa na puno ng halos lahat ng bagay mula sa kung saan san. Ang paglaban ditto ay magiging kasiraan ng kayamang nakita bilang sariling atin na. Ang magandang bagay naman ay ang pagka malikhain natin sa ating sarili. At ito, sa aking palagay ang magdadala o nagdala sa atin sa bansang meron tayo. Merong sariling pagkakakilanlan ang Pilipino at ang kailangan lipulin ay yung mga “brown ameicans” na nagkalat sa Pilipinas at sa mundo.

No comments:

Post a Comment