Pages

Sunday, March 27, 2011

Critical Commentary 2: Sa Postkolonyalismo at Pagkatha ng Bansa

Hindi maitatanggi na matinding laban para sa isang dating kolonya ang kumawala sa katha ng mga kolonyalista. Tunay na makabuluhan ang pagdaluman nina Frantz Fanon at Edward Said sa paggising sa kilusang tatayo at hahamon sa napasakop na pag iisip ng madla. Ang mapagtanto ng madla kung paano sila minaliit at ginawang iba base sa katayuan ng mga mananakop ay isang bagay. Ang pag tugon dito ay isa pa na nangangailangan ng malalim at makabuluhang pagkilos.

Ang pag aklas laban sa impluwensya ng kolonyalismo ay hindi lamang isang reaksyon sa masalimuot na karansan ng pananakop at pag mamaliit. Nangangahulugan din ito ng pagbibigay ng panibagong kahulugan sa kasarinlan ng isang bansa, hindi lamang sa politikal kundi maging sa kultura. Andito ang pagpapahalaga sa diversity at ang pagsusumikap na lumikha ng isang sariling bansa.

Dito sa Pilipinas, masasabi natin sa unang pagtingin na medyo malayo-layo na ang narating natin magmula sa kolonisasyon. Nagsasalita tayo ng sarili nating wika, hawak na natin ang gobyerno, at maalindog ang nakikitang nasyonalismo. Gayunpaman, sa maraming bagay ay tila hawak pa rin at patuloy na tayong kumakapit sa kolonyal na pagiisip.

Parang wala yatang radikal na aksyon laban sa kolonyalismo ang naganap dito sa Pilipinas. Sa isang banda parang mahal na mahal natin ang mga Amerikano o sabihin nang ang mga puti. Ang naging daan marahil ng dekolonisasyon ay yaong siksik rin ng impluwensya na banyaga. May nabasa ako na ilang bahagi ng librong Muling Pagkatha sa Ating Bansa ni Virgilio Almario na pumupuna sa naging kathang Pilipinas noong 1898 hanggang ngayon. Eto ang isang talata:

"Hanggang Pambansang Awit lamang at Pambansang Watawat... Kaugnay nito ang matatalim na komentaryo hinggil sa tinatawag ni Recto na 'nasyonalismong barong tagalog.' Pabalat-bunga ang paghahanap at pagpapahalaga sa pambansang kultura; kulang sa radikal na pagsuri sa kasaysayan at matimyas na pagkalinga sa pira-piraso ngunit makabuluhang alaala ng lumipas. Lubhang saklot ng Amerikanisasyon ang kasalukuyang kamulatan at may pamahalaan na Filipino nga ang humahawak ngunit laruan ng mga negosyante’t politikong multinasyonal.” (p. 29)

Siguro nga hindi natin nakikita ang mas malilim na pangangailangan sa postkolonyal na pagkatha ng bansa. Ngunit sa maraming pagkakataon ng pagkatha natin ng kulturang gagawa sa bansa ay may napamamalas na pagkilos tungo sa nasabing pakay palayo sa kolonyal. Ang pambansang awit, pambansang watawat, ang mga kaugalian na tunay na Pilipino, mababaw man para sa iba ito ay may malilim na ugat at mga tangkay na pilit umaabôt sa kaibuturan ng ating pagkatao. Ang problema nga lang ay ang patuloy na paggaya sa Kanluraning kultura. Tila hinuhubog natin ang ating bansa ayon sa hubog at ganda ng Kanluraning bansa.

Hindi naman sa nagiging napaka negatibo ng pagtanaw ko sa ating bansa, pero ang katotohanan ay mahirap taguan. Isang malaking problema at suliranin na sinasabi ng marami ay ang pagpupumilit na maging iba ng mga elite sa lipunan na humahawak sa remote control na nagpapatakbo sa bansa. Sila ang bagong mga mananakop na nagdadala ng mga pwersa ng konsumerismo na nagpapa kain sa madla ng mga produktong mapanira sa kulturang sariling atin. Kaya naman isang napakalaking tanong ang kung saan o ano ang bansang kakathain mula sa kung anong meron tayo.

Kung titignang mas mabuti ang ating kultura ay mapapansin na ang bumubuo at nagbubuklod nito ay galing mismo sa mga mananakop. Yoon nga an gating pagkakakilanlan- isang bansa na puno ng halos lahat ng bagay mula sa kung saan san. Ang paglaban ditto ay magiging kasiraan ng kayamang nakita bilang sariling atin na. Ang magandang bagay naman ay ang pagka malikhain natin sa ating sarili. At ito, sa aking palagay ang magdadala o nagdala sa atin sa bansang meron tayo. Merong sariling pagkakakilanlan ang Pilipino at ang kailangan lipulin ay yung mga “brown ameicans” na nagkalat sa Pilipinas at sa mundo.

Tuesday, March 22, 2011

Bawal Dumura


Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit ang daming mga tao ang mahilig dumura. Kahit pa sa stasyon ng tren na may nakalagay na nga na "no spitting" at "bawal dumura" dura pa din ng dura ang ilang mga tao. Hindi naman sa pagiging masama ko sa aking kababayan, eh napapansin ko lang na kadalasan ay yung mga maduduming itsura ang pala dura. Yung mga mariwasa at nakapagaral ay hindi naman pala dura. Hindi kaya naiisip ng mga taong dura ng dura kung gaano ka dugyot ang kanilang pag uugali? Sabihin man nilang kailangang idura ang plema, e wala naman yatang scietific proof yun.

Palagay ko sa pamilya nakukuha ng isang tao ang ugaling dumura. Kung hindi dugyot at malinis ang pamilyang kinalakihan ng tao eh hindi sya magiging durara sa pagtanda. Hindi na kailangang hulihin at pagmultahin pa ang bawat tao ng dudura sa publiko. Turuan na lamang ang mga bata sa eskwela na maging malinis at malusog- ipaalam sa lahat na madumi at hindi tama ang dumura ng basta basta. Sadyang may mga bagay na nakaugalian na na kailangang burahin. Ang henerasyon ng kabataan ang dapat mag dala ng pag babago. Kung totoo man ang mga nuno sa punso, sumpain na sana nila lahat ng dudura sa sa tabi tabi habang walang magawa.

Hindi ko alam kung paano gumagawa ng kampanya ang Singapore laban sa mga dugyot na ugali, pero dapat natin yung alamin at gawin din dito upang malipol na ang kultura ng pagiging durara. Wala naman sigurong lalabas na resistance movement kung tatangkaing tanggalin ang pag dura ng pagdura.

Monday, March 21, 2011

Kultura sa Gitna ng Sakuna


Sa gitna ng sakuna lumalabas ang tunay na kulay ng mga tao. Sa pagkakataong ito kasi nawawala ang anumang mga pagpapanggap at lumalabas ang totoong ugali ng tao dala na rin ng matinding mga pangangailangan. Ang kamakailan lamang na lindol at tsunami sa Japan na nagdala ng kalunos-lunos at nakapanlulumong kasiraan, ay nagbigay larawan sa kagandahan ng kanilang kultura at hindi lamang ng mapapait na karanasan.
Nakatawag pansin sa akin ang ilang mga artikulong nasulat sa mga malalaking pahayagan na pumupuri sa Japanese people sa kanilang pagharap sa buhay sa kabila ng mga sakuna. Sinabi pa sa ilang opinyon na maraming pwede matutunan ang mga Amerikano sa kulturang Hapon. Gaya nga ng sinabi ko kanina, sa mga ganitong pagkakataon naipapakita sa lahat kung anong klaseng nasyonalismo ang meron ang mga tao. Dito malalaman ang pinaghuhugutan ng lakas ng mga tao. Ang kultura na nagbibigkis sa kanila bilang isang komunidad ay nangingibabaw upang sama sama silang bumangon at humarap sa pagsikat ng bukas.
Dito din sa atin sa Pilipinas, sa paghagupit ng maraming mga bagyo at iba pang kalamidad, lumalabas ang pagkakakilanlan na namumukod tangi. Bawat kultura ay may kanya kanyang paraan ng pagpawi sa sakit at pighati ng sakuna. Dito sa atin di malilimutan ang pagiging masayahin sa gitna ng baha. Pag may camera ngingiti at popose ang mga Pilipino kahit na nawasak ang bahay. May nag bi-birthday party pa nga daw sa gitna ng baha e.
Sa Japan ikinabighani ng lahat ang malumanay at mahinahong pagharap nila sa trahedya. Naghahanap nga daw ng kaso ng looting ang ilang media at wala silang nabalitaan. Meron daw isa ngunit nang tanungin ang may ari ng tindahan, mga foreigner daw ang nag nakaw.

Tingin ko sa lahat ng bansa- sa lahat ng kultura- ay may natatago, o minsan hindi, na mga kaugaliang mapapakinabangan sa pagtatayo ng isang maunlad at nagkakaisang bansa. Hindi lang dapat sa mukha ng sakuna at natural na kalamidad lumalabas ang ganitong mga bagay. Kapag naman merong sakuna sa politika ng bansa ay wag naman sanag tumawa at pumose lang sa kamera ang mga tao.

Meron ako dito ilang link sa magagandang nasulat tungkol sa Japanese culture kaugnay ng sakunang kanilang natamasa:

Monday, March 7, 2011

Sa Katutubong Kultura, Pangangalaga sa Kalikasan, at Pagunlad

Marami na ang nawala sa ating katutubong kultura sa loob ng mahabang panahon na tayo ay sinakop at muling sinakop, at patuloy na napapasakop sa mga dayuhang elemento na umiikot sa daigdig. Dala na rin ng globalisasyon at ng patuloy na pagtahak ng daan tungo sa modernisasyon at pag-unlad, nalalagay sa santabi ang mga kagawiang nakikitang hadlang sa pangarap na paglago ng ekonomiya. Ang kapaligiran at ang mga likas yaman ang siyang nakaranas ng pinaka matinding pagkagahasa at pagabuso.

Ang larawan ng maunlad sa kasalukuyang panahon ay isang larawan ng homogenization at komersyalisasyon ng produksyon ng mga pang araw araw na pangangailangan ng lipunan. Tignan na lang natin ang pag sasaka- dahil sa pagasam ng mabilisang pag unlad ay nagawa ng tao na burahin ang mga kagubatan para magbigay daan sa malawak na mga sakahan ng mais, palay, piña, at iba pang mahal na produkto. Kasabay ng pag kasira sa kalikasan ay ang pagkasira sa katutubong mga kagawian na nakakabit sa dito.

Dala ng industrialisasyon, lalo na sa mga mahihirap na bansa, ang kawalan ng lugar at kabuhayan ng mga katutubo o kahit mga ordinaryong tao na umaasa sa kayamanan ng kalikasan. Para sa isang mas malinaw na paglalarawan ng sitwasyong ito ay tignan natin ang halimbawa ng Indonesia at ang mga Oil Palm Plantations doon. Ekta ektaryang mga kagubatan ang ibinagsak upang taniman ng Oil Palms. Kakabit nito ang pangako ng pagunlad sa mga katutubo doon. Ang mapait naman na katotohanan dito ay ang kasiraan ng kanilang nakaugaliang buhay. Nawala ang gubat na kinukunan nila ng pang araw araw na makakain; mga ilog na pangisdaan; ang buhay na hindi umiikot sa pera.

Ang katutubong kultura, sabihin mang backward o primitibo, ay nagtataglay ng mahalagang pagtangi sa kalikasan at mga yaman nito. Mapapansin naman kahit ngayon na ang mga katutubo nating kapatid ay namumuhay na umaasa sa likas yaman. Dahil nakasalalay dito ang buhay nila natural lamang na kanilang pinangangalagaan ang kalikasan.

Sa katutubong pamumuhay, sapat lamang at hindi sobra sobra ang inaani sa likas na yaman. Halimbawa, manghuhuli ka lamang ng sapat na bilang ng isda para makain at may kaunting maibebenta. Sa ganitong pamamaraan ay mas makakatiyak tayo na may isda pa ring mahuhuli ang susunod na mga henerasyon. Gayundin naman sa pagsasaka at nauuso nga ngayon ang tinatawag na ang mga organikong paraan ng pagtatanim. At sa katunayan ay may mga kampanya pa nga nag awing parang sa kantang bahay kubo ang kanya kanyang bakuran upang doon na lamang kumuha ng mga gulay gulay. Sa komersialisadong pagsaka kasi nito ay maraming lason ng pataba ang naiiwan at sumisira sa tubig, lupa, at sa hangin.

Ang kaunlaran ay pwedeng marating kasabay ng maingat na pangangalaga sa kalikasan kung hindi natin tatalikuran ang ilang mga katutubong pamamaraan. Sa huli, ang pagunlad ay maaring bigyan ng panibagong kahulugan na hindi kumukatawan sa kanluraning kultura nito na mapanira sa kalikasan.

Wednesday, March 2, 2011

Katolisismo ng Quiapo

Ang Quiapo ay isang malaking larawan ng pag hahalo halo ng kulturang Pilipino. Pinakasikat sa larawang ito ng Quiapo ay ang Basilica Minore ng Poong Nazareno na tumatayong sagisag ng Katolisismo sa bansa- isang bagay na dala ng mga mananakop na Kastila. Ngunit sa likod nito ay ang pamamayagpag ng katutubong paganismo na makikita sa mga agimat, gayuma, mga langis, at mga damu’t dahon na binebenta sa tabi mismo ng simbahan. Matindi man ang pag tutol ng simbahang Katoliko sa mga paniniwalang ito ay tila hindi walang nagbabago at patuloy pa rin sa negosyo ang mga nag aagimat.

Bukod sa mga pagaagimat at pagaalbularyo ay tipikal din sa maraming Pilipino, lalo na sa mga hindi edukado at mahihirap, ang panatisismo na napapamalas sa kasukdulan tuwing piyesta ng Nazareno. Ang sinaunang pag samba sa anito at mga imaheng lilok ng mga katutubo ay may pagkakatulad sa pangkasalukuyang kagawian. Ang pag himas sa rebulto ay pinaniniwalaang nagbibigay himala at lunas sa sakit kaya naman talagang pinipilahan ang Nazareno para maka dampi.

Kung susuriin ay mapapansin ang pagsasamasama ng mga kagawian kahit pa sa isang banda ay mali at di karapat dapat ayon sa simbahan. Halata naman na malaking pagkukulang ng simbahan sa pagpalaganap nito ng kanyang mga turo. Gayunpaman, pwede ring tignan na isang pwersa ito ng resistance pero medyo malabo ito.

Nakikita ko ang kulturang mapagangkin ng iba. Mahilig tayo sa mag bago sa paningin at ginagaya natin to. Sa huli lahat na ng ugali at gawi pinag halo halo natin. Ang dating agimat ay may muka ng mga hayop o kakaibang nilalang, ngayon ang agimat ay may muka ng santo. Kahit nga ang pag aalay ng dugo ng hayop para pantaboy ng malas ay may Kristiyanong dasal.

Baka kaya sadyang tumatakbo sa dugo ng mga Pilipino ang mga katutubong paniniwala na kahit anong hirap burahin ng simbahan ay nagpapatuloy pa rin. Ito ba ay lokalisasyon ng dayuhang relihiyon o paggawang dayuhan sa katutubong relihiyon? Sa kahit anong angulo nito, ang simabahan ay magpapatuloy sa pag puksa ng kaugaliang mali sa paningin nito. Sa kabila ng lahat ang pista ng Nazareno sa Quiapo, tulad din ng sa iba’t iba pang mga lugar sa Pilipinas, ay maituturing na institusyon na.

Bilang pahabol, naalala ko na kung ang simbahan at pagtutol sa kolonyal ang paguusapan ay hindi mawawala si Gregorio Aglipay na tumiwalag sa Roma at nagtayo ng sarili nyang simbahan na tinawag nyang Iglesia Filipina Independiente. Hindi ito nakaakit ng maraming tagasunod. Gayunpaman ang dekada sisenta ng nakaraang siglo ay nagbukas sa malaking mga pagbabago sa simbahang Katoliko dala ng Ikalawang Kosilyo Batikano. Sinimulan noon ang lokalisasyon ng simabahan at kabilang ditto ang pag gamit ng wikang bernakular sa Misa.

Monday, February 21, 2011

Critical Commentary 1: Feminism in Postmodernism

Binuksan ng postmodernism ang pinto palabas sa mga malalaking kwento na sa matagal na panahon ay lumipig sa kaisipan. Ang paglago ng iba’t ibang kaisipan sa postmodernism ay nag bigay ng samu’t saring mga bagong pamamaraan ng pagtanaw sa mga bagay bagay. Pinaigting nito at pinahalagahan ang pagkakaiba-iba sa sangkatauhan. Dahil dito ay mas napagtuunan ng pansin at nabigyang kapangyarihan ang mga dating hindi pinapansin tulad ng mga tila ordianryong pangyayari sa araw-araw na buhay ng mga tao.

Ang isang kaisipan na nais kong pagtuunan ng pansin ay ang feminism at ang pag bigay nito ng bagong kahulugan sa gender. Tama lamang ang pag labas ng ilang kababaihan noon upang simulan ang laban para sa mas makahulugang pamumuhay. Ang kanilang naging laban tungo sa pagkakapantay sa kalalakihan ay isang malaking hakabang laban sa pagkapatriarkal ng lipunan.

Pagkakapantay ng karapatan at katayuan ng babae at lalaki ang naging pangunahing sigaw ng unang tema ng feminism. Bagamat maganda ang adhikaing ito, sadyang marami at komplikado ang pagkakaiba ng babae at lalaki. Kung sa biological na pagkakaiba lang ay walang paraan para maging magkatumbas ang babae at lalaki. Gayunpaman, ang usapang pang karapatan ang pinaka importante. Ang pagboto, pagpasok sa mataas na paaralan, pagtatrabaho ay ilan sa malaya nang nagagawa ng kababaihan.

Kadalasang inilalarawan ang pagkakapantay ng kasarian sa pagsasabing kaya ng babae ang anumang ginagawa ng lalaki. Maaring totoo ngunit hindi ko ito nakikitang praktikal. Oo, kaya ng babae na maging konstraksyon worker, o kaya ay minero, tubero, tsuper, o konduktora ngunit hindi pa rin ito tugma sa kanilang kapakanan. Hindi sa nagiging patriarkal ang aking pagiisip kayak o sinasabi ito. Meron lamang talagang mga espesyal na pangangailangang ntatangi sa bawat kasarian at ang ibig kong sabihin ditto ay hindi lamang ang tradisyonal na kasariang lalaki at babae.

Sa pelikulang North Country, kung saan isinadula ang tunay na kwento ng ilang babae na nagtrabaho sa minahan, pinakita na hindi sapat para masabing pantay ang paggawa ng babae sa trabaho na masasabing panlalaki. Ito marahil ay isa sa unang pagtangka na kumawala sa tradisyonal na gawain ng babae dala na rin ng panahon at pangangailangan. Ang mga pangaapi, pangungutya, at pambabastos sa mga babae ng nakararaming kalalakihan sa minahan ay sadyang dala dala ng kultura. Inilaban ng bida sa nasabing pelikula ang kaso ng kababaihan sa korte at sila ay nagwagi matapos ang mahaba at madugong mga pagdinig. Mula noon ay nabigyang liwanag ang karapatan ng babae.

Sa kabilang banda, ang pagtanaw ng sobra sobra naman ng ilang feminista ay naging sanhi rin ng ilang komplikasyon. Sa sobrang pagpapaimportante ng ilang feminista kasi ay tila gusto naman nilang maging mas dominante sa kalalakihan. Ang pagbigay lamang ng ilang espesyal na pribilehiyo sa kababaihan ay maaring makita bilang pagpapalawig ng kaibahan kung saan maaring makaramdam ng pagka agrabyado ng ilang kalalakihan. Halimbawa na lang ay ang pagbigay ng espesyal na coach sa tren para lamang sa babae. Nauunawaan ko ang sitwasyon at ang iba iba pang kadahilanan ngunit hindi ito kailanman bahagi ng postmodern. Paano naman ang ilang kalalakihan na nakakaranas din ng mga hindi kanaisnais na bagay, amoy, lasa, paningin, at pakiramdam?

Bilang pang huli, ang pagkakapantaypantay ay ang pagbibigay ng karampatang ayon sa natural na pangangailangan ng bawat kasarian. Sa huli, tayong lahat ay pare parehong mga tao na may malawak na pagkakaibaiba. Ang pagkakaibang ito ay hindi dapat sirain bagkus ay dapat palaguin at ituring na kayamanan ng ating iisang lahi dahil may espesyal sa bawat detalye hangang sa pinaka butil ng kasarinlan ng indibidwal.

Saturday, February 5, 2011

Sa Feminism at French Tradition of Cultural Studies


Hindi ko maiwasang i konekta ang Feminism sa diskusyon ng French tradition of cultural studies. Binigyang linaw ng French tradition of cultural studies ang malaking isyu sa kinalaman ng kultura o lipunan sa mga pananaw at pagunawa sa mga bagaybagay. Sa isang banda pamilyar ang kaisipan ng Annales School sa kaisipan ng Feminism. Isang bagay na maipagkukumpara ay ang Feminism ng Pranseng pilosopo na si Simone de Beauvoir.

Sa pasimula kasi ng Second Wave feminism iginiit ni de Beauvoir ang pagiging other ng babae at ang papel ng kultura/lipunan sa pag hubog ng gender. Aniya ang gender ay isang social construct at naiiba sa sex. Sa kanyang isinulat na The Second Sex pinaliwanag nya sa isip ng marami ang kinalugaran ng kababaihan sa lipunang pinangingibabawan ng kalalakihan. Sa mundo na pinaiikot ng mga dualismo ang babae ang syang laging nasa masama o di kaya’y mababang gawi. Kaya naman ipinilit nya na ang ganung kalagayan ng babae ay pwedeng malagpasan, mabago, o mahubog sa kadahilanang ito ay gawa-gawa lamang ng lipunan. Bunsod na din ng pagiging existentialist ni de Beauvoir, na nagsasabing ang ating existence ay dinidiktahan ng kung ano’ng gawin natin sa ating sarili, ang babae, sabi nya, ay maaring itranscend ang pagiging iba o other nya.

Naalala ko ang isang bading sa ipinapanuod saming episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho. Parang ganito ang sabi niya, “Kahit ganito ako, gusto ko patunayan sa mga tao na kaya kong makatulong sa pamilya ko sa ganitong paraan.” Siguro ang pagkakaingin nya o di kaya ang pag akyat sa kuweba nung iba ay paraan nila ng pagtranscend sa stereotypical na bading sa matalim na paningin ng lipunan.

Ang postmodern na daigdig ay nagbigay ng maraming mga paraan upang lumabas sa pagkaapi at pagkikimkim ang mga miyembro ng lipunan na naapi. Gayundin naman mas lumawak at nagging mas makulay ang kaban ng mga ideya, saloobin, at samu’t saring kaisipan at pagpapahayag ng pagkatao ng mga indibidwal sa lipunan. Mas lumalakas at tila di na palulupig pang muli sa idinidikta ng lipunan ang mga naliwanagan ng postmodernism.